MI RETIRO
Kung babasahin ang tula ay makikitang napakapayapa ng lugar kung saan nakatira si Rizal. May batis na “umaawit habang lumalagos” at kung gabi ay may “bulong na nakakapagpa-antok”, ngunit kapag umuulan ang agos nito ay may “tulin na walang katulad”. Walang bumabasag sa katahimikan kundi ang ungol ng aso, awit ng ibon at hiyaw ng mga kabayo.Sa pagtanaw ni Rizal ng dagat ay parang inangkin na niya ito. Kung sabagay, siya lamang ang taong nakatira sa tabing dagat kaya’t masasabi ngang para sa kanya ang dagat na iyon.
Ang tulang ito ay sinasabi ng ibang kritiko na pinakamahusay na ginawa ni Rizal, at ilan sa amin ang sumasangayon. Kapag nabasa ang kabuuan ng tula ay para kang inilipat pansamantala sa mapayapang Dapitan, kung saan makikita mo ang dagat na ngumingiti sa iyo, mararanasan mo ang sarap ng ihip ng hangin, at kapag gabi’y maririnig mo ang minsa’y payapang bulong ng kapaligiran at minsa’y nakakatakot na ingay ng mga hayop. Sa gabi din sinasabi ni Rizal na kapag lumalakas ang alon at ang hangin ay umuugong, napag-iisip siya, nilulunod nito ang mga boses, pag-iyak at pagkanta, ang kalungkutan at hinihila sa kawalan. At ang mga punong-kahoy umuugong na para bang may mga kaluluwang nagbabantay at nagyayaya sa mga taong naninirahan doon. Ngunit pagdating sa umaga, may panibagong sikat ng araw na magbibigay liwanag sa iyong puso at pakiramdam na ligtas ka na at mapayapa.
Ibinabahagi din ni Rizal sa tula ang kanyang nararamdaman, na nakalulungkot at mag-isa lamang siya, na parang hinila siya sa mundong kilala niya at kilala siya, at itinatago siya dahil sa kanyang mga paniniwala at kaalaman. Ang pagmamahal niya sa kanyang mga mahal sa buhay, na miski malayo sa kanya, miski iniwan siya o yumao na, hinding-hindi niya makakalimutan.
Ang pagkamaka-Diyos din ni Rizal ay naipapakita sa mga taludtod ng tula. Sinasabi niya na mayroon siyang kaibigan ni hinding-hindi siya iiwan, nagbibigay sa kanya ng lakas at paniniwala kapag siya ay nag aalinlangan. At ang paniniwalang ito kanyang itinatago at ang kanyang pag-asa, na kahit na malapit na siyang mamatay, nangingibabaw ang kaligayahan at awit ng tagumpay para sa kung ano ang tama.
At ang pag-ibig niya para kay Leonor Rivera, na siya ay labis na nasasaktan tuwing kanyang naaalala ang kanilang mga pangarap at pangako sa isa’t-isa.
Inihalintulad niya ang sarili sa isang paruparo, na palipat-lipat ng bulaklak at palaging may nilalamang pangarap. Tulad niya na bata pa lamang ay umalis na agad sa kanilang tahanan, at pumunta sa iba’t-ibang bansa kung saan siya ay maraming natutunan. At tulad ng isang ibon na pagkatapos lumayag sa malayong lugar ay babalik na sa kaniyang tahan. Siya ay pagod na pagod na, pagbalik niya sa Pilipinas, ang kanyang mga pakpak ay sira-sira na, may mga bagong pagsubok na mabangis parang halimaw, at ang kanyang paniniwala ay nasira at nagunaw.
At isinasaad ni Rizal na masakit para sa kanyang maipatapon malayo sa bayang kanyang minamahal. At bumabalik lahat ng kanyang mga pangarap, na magagawa lamang ng mga pag-asa ng bayan, ang kabataan na pag-asa ng bayan.
At sa huli, nagpapasalamat siya sa Diyos, dahil ipinataw sa kanya ang ganoong pangyayari. Na alam ng Diyos kung kelan pipigilin ang gala niyang isip, upang ibalik sa pinanggalingang lupang iniibig. Ito ay nagpapakita ng pagakarelihiyoso ni Rizal at labi na pagmamahal sa bayan, na hanggang sa kahulihulihan, gugustuhin niya na mamatay sa sariling bayan.
Ang nakakabilib nga naman kay Rizal ay taglay niyang tapang na nagawa niyang magsulat ng may ganitong tema ng tula, kung alam niya na maaaring hatulan siya ng kamatayan.